Sunday, 23 March 2014

Flash Fictions

Paglalaro

“Johanna, tara na, pinapababa na tayo ni Teacher Sally. Dala ko na si Chloe. Bratz din ba dala mo ngayon?
Haay. Pano ko kaya sasagutin si Steph? Hindi kasi manika ang dinala ko ngayong P.E. “Steph, si White Tiger kasi dala ko ngayon eh.”
“Niye, ano kaya yon? Sasali ka sa boys mag-beyblade?” “Oo, bakit? Bawal?” “Hindi naman. Hahaha. 'Kaw bahala, sama ka nalang samin pag tapos ka na matalo ha.” “ Sira ka! Sige. Babay!”
Bumaba na si Steph. Ako ayun kinakabahan. First time ko makikipag-duel sa mga classmate kong lalaki. Malakas sila. Ang gaganda ng rings na gamit nila nung minsan. Bakal na, kulay gold pa. Kapag tumama sa pader, nagiispark. Tyak matatalo ko pero basta, bahala na si spongebob.
“Oy Jo', ba't ba nandito ka pa?” “Oo nga, asa baba na kaya yung mga girls.” Nagtanong na sila Ed at Marck. Lagot na. Nakita ko boys na nga lang ang nandun. “Eh gusto ko sana suma...” “Baba ka na. Pasabi kay 'cher Sally susunod kami,” utos ni Kyle yabang. “Eh sasali ako sainyo ngayon eh!” “Ha?!?” Nagsabay-sabay sila. “Bawal.” “Baba ka na.” “Pang-lalaki lang laro namin ngayon, dun ka na”
Nagtatawanan sila tas nag-aapiran pa. “Ang daya niyo naman eh!” “Next time nalang, Jo', pramis.” Umalis na ko ng room. Rinig ko pa rin yung mga kumag na nagaasaran, nagtatawanan. Pero mga ilang sandali lang, tumahimik na sila bigla. Bakit kaya? Sumilip ako sa room at nakita silang nakabilog. Mahina na yung tawanan. “Tungek, ayusin mo, bilisan mong onte.” “Di na kaya ni loko, haha, maliit kasi eh, haha.” Sabi na nga ba't ayaw lang nila ko isali eh. Pero may laban talaga sila ngayon! Umalis na ko. Ba'la sila. Malayo na ko ng maisip ko kung bakit sa paanan ng mga nagkukumpulan kong classmates na boys, imbis na umiikot na mga makukulay na trumpo, pares ng brown na pantalon na nakababa ang nakita ko.
Ayoko ng makisali sa laro nila kahit kelan.


***

Colegiala Chronicles
Klak. Klak. Klak. Mabilis at malutong ang mga hakbang ng makinis at maputing binti ng dalaga. Nagmamadali nitong kinakalaban ang bawat baitang ng overpass. Hindi balakid ang nagbabadyang masamang hangin na galing sa pwetan ng mga sasakyan sa baba dahil alam niyang nangingibabaw pa rin ang halimuyak ng basa niyang buhok na kailanma'y hindi pa nakakatikim ng Rejoice quatro sachet. Hindi balakid ang kaunting pawis (kung mayroon man) dahil matutuyo din naman 'yon sa aircon ng classroom mamaya. Ang balakid para sa araw na ito ay ang gusgusin at kulubot na mukha ng mamang nag-aabang ng grasya sa gilid ng overpass. Sabi ng prof sa Theology 4, give your preference to the poor. Pero sabi ng prof sa first subject, manlilibre daw ng breakfast meal ang mga estudyanteng late. Gosh, what to do? Nagpasya ang binibini na bilang isang mabuting Kristiyano na nagsisimba linggo-linggo at nagdadasal gabi-gabi, obligasyon niya ang tumulong kahit sa maliit at mabilisang paraan. Tulong is tulong 'ika nga. Masaya na siya sa 'thank you' o ngiti man lang. Isusugal na niya ang attendance niya maging ang himutok ng kanyang propesor. Huminto ang klak klak klak sa tabi ng isang maitim na nilalang na may hawak ng plastik cup. Nakangiting hinulog ng dalaga ang 5 pesos sa baso na hawak ng mama. Hinihintay niyang banggitin nito ang mga kataga na maaaring magpatunay kay San Pedro na siya'y nabuhay ng mabuti at marangal. Ngunit wala. Tinitigan lamang siya ng mama at kinunotan pa ng noo. Padabog na maglakad palayo nalang ang nagawa ng babae. Sa pang-huling pagkakataon, lumingon siya sa walang utang na loob na mamang hindi man lamang siya pinasalamatan. Nakita niyang kinuha nito mula sa cup ang barya na tila basa. Winisik wisik ng matanda ang limang piso hanggang sa matanggal ang kulay brown na liquid na kung hindi siya nagkakamali ay ang parehas na inumin na pinapabili ng kanyang guro sa mga estudyanteng male-late sa klase.

***


Crooked lines
“Benjo, hindi ganyan. 'Wag mong diinan masyado yung mga lines mo pag di pa final. Sketch mo muna. Halika, turuan kita.” “Oh? Tawaga? Mawunong ka ba magdwowing, ate?” “Oo naman, next time turuan kita ha.”
“Oh meryenda muna kayo, bumili akong donuts.” “Yehey!” “Ma', dito ka na pala.” “Oo traffic nga eh. Siya nga pala, Jeanne, kamusta na yung LOA mo, napirmahan na ba ng dean?” “Opo ma'. Tapos na. Tinulungan po ko nila Carly...Ma' tulog muna ko ah, busog pa naman din po ko eh.” “ Okay anak sige, mamaya nalang.”
Tumango nalang si Jeanne at pumasok na sa kwarto niya kung saan nakakalat pa din pala ang kanyang mga water color sets, paintbrushes at charcoal pencils. Iniupo niyang dahan-dahan ang sarili sa tapat ng isang malaking canvass. Pilit niyang hinahanapan ng balanse ang sarili sa upuan. Mahirap dahil ibang balanse ang tinuturo sa Fine Arts kung saan color palette, shading at symmetry and pinaguusapan. Tuluyan na siyang binigo ng kanyang mga mata habang hirap niyang itinataas ang kanyang kanang paa na may nakasipit na pangguhit. Tiningnan niya ng matagal ang kanyang reference photo na ginupit galing sa isang diyaryo. Sigurado na siyang ito ang iguguhit niya. Litrato ito ng isang aksidente sa highway kung saan mayroong bumanggang bus. Isa patay, labingdalawa sugatan ayon sa headline, kabilang ang isang babaeng naipit at kinailangang putulin ang dalawang kamay upang makaligtas.
Paano nga ba niya tuturuan ang kapatid gumuhit kung siya mismo'y ni hindi makagawa ng matinong linya? Paano pa siya bubuo ng sarili niyang obra maestra, kung siya mismo'y hindi buo? Ngunit pinunasan ni Jeanne ang kanyang mga luha gamit ang tuhod. Walang kasing pangit sa ngayon ang mga linyang kanyang ginuhit sa canvass pero sinabi niya sa sarili, “first step: hindi kailangan madiin at perfect agad ang lines.... sketch muna.”

 ***

Para sa mga single: Love is blind talaga
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Ayyie. LQ lng yn anu kb. Ilang beses nb kau nag-br8k? Kau p din nman s huli db? :) sent: 05:45pm
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
I get that ur hurt gurl & u think final na ds tym. But be positive. Si Dao Ming Si nga ngka-amnesia na, cla p din ni San Chai. Si Popoy at Basha gnun din. Dnt lose hope. sent: 05:50pm
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Weh? Sabi niya yun? Space? Y space? Masikip ba? Hala iba n nga yan girl. Pero malay mo may surprise sya sau. Proposal pala bigla oh. sent: 05:54pm
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
eh malay m lng nman. Tska khit
mdebar sya, pwde p nman s ibng skul db? Tpos mgeexcel sya dun kc ikw inspration nya db? O db ang swweeet :) sent: 06:10pm
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Ako pa. Sila Jas nga din eh sakin ang lpit pg may probz. Maniningil nko ng talent fee nyan ah :D sent: 06:14pm
To: Kaye: +63 926 432 5581+63 926 432 5581
wow ah. Porket b NBSB, bwal na mag-advice? Hndi b pwdng ma-inlove ng hndi nagbboyfrrnd?
sent: 06:19pm
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
haha. Ewan ko sau. Watevr. Uy w8 lang ah may bsita ata kmi. sent: 06:25pm
uggh mnliligaw lng pla ng kpatid ko. sent: 06:28
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Uhhm. Ewan. Muka nmang sryoso. Heh! Ewn ko sau. Eh anu nman kung naunhan pko ng ms bata skin. Di nman sya ppyagn
nila mami eh. Hehehe sent: 06:35pm
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Eto gnigisa nga nmin nila daddy eh sent: 06:47pm
From: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
uyy. Ano na? D kna ngreply? sent: 06:56pm
From: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Hello? Yoohoo? Uyy ok n kmi ni Jake nga pla. Tnx s advice :)
--- 8 unread msgs
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Ok n sna mga sagot ni loko eh. Tnanong b nman ako kung ako dw b, may nanligw dw b skin n prang sya – sryosong sryoso
To: Kaye +63 926 432 5581+63 926 432 5581
Slr. Sbi ko: kung mgging kau mn, MGBBR8K DN KAU!! Ders no such thng as love. Kbye.
sent: 08:45pm

No comments:

Post a Comment